Dalawang bangkay ng di pa nakikilalang mga lalaki ang bumulaga sa bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Patuloy pang inaalam ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking natagpuang nakagapos at wala ng buhay sa bayan ng Tugunan, sakop ng Special Geographic Area ng Bangsamoro region nitong bisperas ng Pasko, Disyembre 24.
Sa ulat ng Tugunan Municipal Police Station, natagpuan ng mga residente ang dalawang biktima na nakatali at may mga takip ang ulo sa bahagi ng Barangay Panicupan, Miyerkules ng umaga.
Lumalabas din sa inisyal na pagsisiyasat na pinahirapan muna ang dalawa bago itinapon ang kanilang bangkay sa nasabing lugar.
Nananawagan naman ang awtoridad sa mga nawalan ng miyembro ng pamilya na tumungo sa Tugunan Municipal Police Station para sa kompirmasyon at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga biktima. (Jun Mendoza)
