Sunog ang mga bangkay nang matagpuan ang 34-anyos na ginang at ang kanyang dalawang anak na babae sa natupok nilang tahanan sa Barangay District 1, bayan ng Babatngon, lalawigan ng Leyte, nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa mga arson investigator, natutulog ang inang biktima kasama ang kanyang 13-anyos at walong taong gulang na mga anak na babae sa loob ng kanilang bahay nang sumiklab ang sunog bandang alas-12:30 ng madaling araw.
Sinubukan ng mga kapitbahay na apulahin ang apoy ngunit hindi sila nagtagumpay dahil mabilis itong kumalat kung saan minalas na nakulong sa loob ang mag-iina.
Naapula ang apoy dakong alas-2:49 ng madaling araw at tinatayang nasa P1.3 milyon ang napinsalang mga ari-arian.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. (Dolly Cabreza)
