Bisor ng barangay peacekeeping, utas sa tandem

Patay ang supervisor ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Purok 4-A, Barangay Limbaan, New Corella, Davao del Norte, nitong Lunes ng umaga.

Mabilis namang rumesponde sa lugar ang New Corella PNP sa pamumuno ni P/Maj. David S Ybalio Jr., acting chief of police at nakitang wala ng buhay ang biktimang si Dave Cutin, 48, BPAT supervisor at residente ng Purok 3, Barangay Limbaan.

Ayon sa mga awtoridad, nagtamo si Cutin ng fatal gunshot injury habang bumibiyahe mula sa kanyang tahanan patungo sa sakahan.

Lumabas din sa imbestigasyon na pagdating ng biktima sa paligid ng Limbaan National High School ay nilapitan siya ng dalawang hindi kilalang indibidwal na naka-bonnet sakay ng white-and-black XR motorcycle.

Sinubukan umanong tumakas ng biktima ngunit pinagbabaril na ito ng mga suspek.

Bagamat sugatan, naitakbo pa ng biktima ang kanyang motorsiklo sa halos 150 metro bago ito natumba.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni P/Maj. Kriz D Chavez ang apat na basyo ng bala ng .45 caliber pistol. (Edith Isidro)


オリジナルサイトで読む