Kalaboso ang dalawang sundalo matapos eskortan ang dalawang pickup trucks na may lulang 60 sako ng ginto na nagkakahalagang P300,000 sa bayan ng Opol, Misamis Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga sundalo bilang staff sergeant na kapwa miyembro ng Military Intelligence Battalion ng 10th Infantry Division.
Ayon kay Captain Jhorlind Rico Apal, Army intelligence operatives, Lunes nang masabat ang JMC Grand Avenue at Toyota Hilux (MGH 811) sa kanilang checkpoint sa Sitio Mahayahay, Barangay Limonda na inieskortan ng mga nabanggit na sundalo.
Sa pagsisiyasat sa dalawang sasakyan ay nadiskubreng may karga itong mga umano’y minerals na dadalhin sana sa Barangay Limonda, na kilalang lugar sa ilegal na minahan.
Nakumpiska sa dalawang sundalo ang dalawang Glock 17 pistols na standard-issue ng AFP.
Inaresto rin ang pitong kasama ng mga sundalo, kabilang ang mga drayber ng mga sasakyan.
Sinabi ni Rodante Felina, regional director ng Mines and Geosciences Bureau, nakarating umano sa kanila ang impormasyon sa illegal na pagmimina sa lugar na umano’y protektado pa ng ilang lokal na politiko.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 laban sa dalawang sundalo at sa mga kasama nito. (Dolly Cabreza)
