2 nakuryente sa kinabit na streetlight

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang dalawang lalaki matapos makuryente habang nagkakabit ng solar streetlights sa Barangay Salimbao, bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong Huwebes, Enero 1.

Batay sa paunang imbestigasyon, aksidenteng nasagi ng ginamit na boom truck ng mga biktima ang isang live wire habang isinasagawa ang kanilang trabaho.

Agad na rumesponde ang ilang kalalakihan sa lugar at sinubukang dalhin ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital, ngunit hindi na naisalba ng mga doktor.

Patuloy pa sa ngayon ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pangyayari at ang pagkakakilanlan ng mga biktima. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む