Malaki ang posibilidad na magkaroon ng magmatic eruption ang Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Isa sa mga binabantayan ng Phivolcs ay ang pagdami ng rockfall o pagguho ng bato sa bunganga ng bulkan.
Umabot na umano sa 47 rockfall events sa isang araw ang Mayon, halos kapareho noong 2023 nang itaas sa Alert Level 3 ang Mayon.
Aniya, ang rockfall events ay senyales na may umuusbong na matigas na lava sa bunganga ng bulkan.
“Medyo umiiri po ng matigas na lava ang bunganga ng bulkan kaya nagkakaroon tayo ng pagguho ng bato o nanigas na lava mula sa crater ng Mayon,” ani Bornas.
Nagbabala rin ang Phivolcs na maaaring magpatupad ng evacuation sakaling itaas ang alert level.
Sa ngayon ay nasa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay dahil sa pagtaas ng aktibidad nito. (Issa Santiago)
