50 motorista laglag sa ilegal na karera

Nahaharap ngayon sa kaukulang mga kaso ang nasa 50 motorista matapos masangkot sa illegal drag racing activity sa Kidapawan City, madaling-araw noong Huwebes, Enero 1.

Ayon sa Kidapawan City Police Office, maliban sa reckless driving, nagdulot din ng sobrang ingay at alarma sa mga residente ang ginawang karera ng mga kabataan sa kahabaan ng Quezon Boulevard ng lungsod.

Ayon kay PLt. Col. Arjay Celeste, umabot sa 50 modified na motorsiklo ang kanilang nasabat at agad na dinala ng mga awtoridad sa impounding area, habang ang ilang rider ay binitbit sa police checkpoint at pursuit operation.

Marami rin umano sa mga inaresto ang walang maipakitang kakukulang papeles kabilang ang Certificate of Registration at Official Receipt mula sa Land Transportation Office ng kanilang mga motor.

Inaalam din ngayon ng kapulisan kung kabilang ang mga narekober sa mga naiulat na nakaw na motorsiklo. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む