Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Tropical Cylone Wind Signal No. 1 sa ilang probinsya ng Visayas at Mindanao dahil sa unang bagyo na pumasok sa bansa ngayong 2026.
Pinangalanang “Ada” ang bagyo na huling namataan sa silangang bahagi ng Hinatuan, Surigao del Sur, base sa Pagasa bulletin na inilabas alas-singko ng hapon nitong Miyerkoles, Enero 14.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugso na 55 km/h.
Kabilang sa mga lugar sa Visayas na itinaas ang Signal No. 1 ang mga sumusunod: Northern Samar, Samar, at Eastern Samar
Sa Mindanao naman, itinaas ang Signal No. 1 sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Ayon sa Pagasa, posibleng dumaan malapit o mag-landfall ang Bagyong Ada sa Eastern Visayas sa Biyernes (Enero 16) o sa Sabado ng madaling-araw. Sunod na dadaan ito malapit o maaaring mag-landfall sa Catanduanes sa Sabado o Linggo (Enero 18).
Inaasahan umano na magiging tropical storm ang Bagyong Ada sa susunod na 24 oras. (Dolly Cabreza/Angelica Malillin)