Driver na-highblood, 3 sasakyan nagkarambola

Nagdulot ng karambola ng mga sasakyan at matinding pagsikip ng daloy trapiko ang pagkawala ng malay ng isang tricycle driver dahil sa alta-presyon sa Kidapawan City, nitong Martes, Enero 13.

Ayon sa 911 Emergency Response, binabaybay ng biktima ang Daang Maharlika Road nang bigla umano itong ma-highblood at humina ang paningin hanggang sumalpok sa isang pick-up na nakahinto sa traffic light.

Sa bilis ng takbo ng tricycle ng biktima at sa lakas ng pagkakakabangga, tumilapon pa ang minamaneho nito sa kabilang linya ng kalsada at nabangga naman ang likurang bahagi ng isa pang sasakyan.

Mabilis namang sinaklolohan ng mga kapwa driver ang biktima hanggang dumating ang mga tauhan ng 911 Emergency Response ng lungsod.

Sa ngayon ay patuloy pang inoobserbahan ang kalagayan ng biktima habang patuloy din ang imbestigasyon ng Kidapawan City Police Station upang matukoy ang kabuuang detalye ng insidente. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む