Dedo ang isang mangingisda matapos itong atakihin ng buwaya sa Sitio Binasag, Barangay Sebaring sa Palawan kahapon.
Kinilala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima na si Jerry Cayao, 50 taong gulang. Halos magkahiwa-hiwalay na ang bahagi ng katawan ng biktima dahil sa pag-atake ng buwaya.
Ayon kay MDRRMO Officer Chan Alsad, natagpuan ang bangkay ng biktima kahapon ng umaga, January 16, matapos ang isinagawang search and retrieval operation.
Una nang iniulat na nawawala si Cayao matapos itong pumunta sa dagat upang mangisda ngunit hindi na nakabalik.
Sa inisyal na pagsisiyasat, pinaniniwalaang inatake ng buwaya ang biktima.
Sa ngayon, dinala na ang labi ni Cayao sa kanyang pamilya. (Romeo Luzares Jr)