Patay ang isang station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos siyang barilin habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Veterans Village, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Kinilala ang biktima na si Lt. Junior Grade Glennick Ytang, 32, station commander ng Coast Guard Station Zamboanga Sibugay sa ilalim ng Coast Guard District Southwestern Mindanao.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay ang PCG sa pamilya ni Ytang kasunod ng kanyang pagkamatay.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kanyang sasakyan si Ytang nang paulanan siya ng bala ng isang hindi pa nakikilalang suspek. Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang salarin.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at ang ginamit na baril. Wala rin inilalabas na impormasyon kaugnay sa posibleng motibo sa krimen.
Ayon sa PCG, si Ytang ay kabilang sa Coast Guard Officers’ Course Class 26-2020 na kilala bilang “Hiraya Masiklab”.
Sinabi ng PCG na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police upang matiyak ang masusing imbestigasyon, ang agarang pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga responsable sa pamamaril.
Hindi rin kinukumpirma ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa opisyal na tungkulin ni Ytang ang pagpatay sa kanya.