Kalaboso ang 29-anyos na lalaki matapos saksakin ang kanyang kapatid at ama habang nag-iinuman sa Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan nitong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng Roxas Municipal Police Station (MPS), kinilala ang biktima na si alyas Ronron, 23, habang ang suspek ay ang kuya nito na si alyas Reny.
Batay sa imbestigasyon, nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang ama at isa pang kapatid sa loob ng kanilang bahay.
Lumabas ang ama at isa pa niyang anak para bumili ng dagdag na alak, ngunit sa kanilang pagbabalik ay nakita na lamang nilang sinasaksak ng suspek ang kapatid.
Umawat ang kanilang ama ngunit maging siya ay nasugatan matapos saksakin ng suspek. Hindi na nabanggit ang motibo sa pananaksak.
Agad na tumakas ang suspek dala ang ginamit na kutsilyo habang dinala naman ng mga biktima sa Roxas Medicare Hospital kung saan patuloy pa silang inoobserbahan.
