Dedo ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo matapos silang masagasaan ng trak sa national highway ng Barangay Langlangca 2nd, Candon City, Ilocos Sur nitong Lunes ng umaga.
Sa imbestigasyon ng Candon City Police, bago nangyari ang insidente ay bumabaybay sa nabanggit na highway ang mga biktima kasunod ang isa pang motorsiklo.
Pareho umanong mabilis ang takbo ng mga ito nang bigla umanong bumagal ang takbo ng naunang motorsiklo at dito na nabangga ng sumusunod na motor.
Sa lakas ng pagbangga, parehong tumilapon ang dalawang sakay ng bumanggang motorsiklo, napunta sa kabilang linya ng kalsada at nasagasaan ng truck.
Hindi na umabot na buhay sa ospital ang dalawang magkaangkas.
Nagtamo naman ng sugat sa kamay ang driver ng binanggang motorsiklo.
Maituturing na accident prone area ang nasabing bahagi ng kalsada kaya laging paalala ng pulisya ang pag-iingat sa pagmamaneho. (Randy Menor)
