Mahigit 400 mahihina hanggang katamtamang lakas na lindol ang naitala sa paligid ng Kalamansig, Sultan Kudarat mula alas-10:52 ng gabi noong Enero 19 hanggang ala-1:00 ng hapon nitong Miyerkules, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa nasabing bilang, hindi bababa sa 135 lindol na may lakas na magnitude 1.5 hanggang 5.2 ang naitala at natukoy ang lokasyon.
Dalawampu sa mga lindol ang naramdaman, ayon sa Phivolcs.
Sa isang abiso, hinikayat ng ahensya ang publiko na maging handa at isagawa ang “duck/drop, cover, and hold” tuwing may lindol.
Pinayuhan din ang mga nasa baybaying lugar na manatiling alerto at maging mapagmatyag sa mga posibleng senyales ng tsunami.
Hinikayat ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga update sa pamamagitan ng opisyal na website at social media accounts ng Phivolcs. (PNA)