Patay ang 27-anyos na babae matapos araruhin ng saksak ng kaniyang mister habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan nang malamang may ka-chat ito sa Davao City, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng pulisya, habang mahimbing na natutulog ang biktima ay kumuha ng kutsilyo ang mister nito at saka inararo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ginang.
Bagamat sugatan, nanlaban pa ang biktima saka tumakbo palabas sa kanilang bahay kung saan tuluyan na itong bumagsak.
Isinugod pa ang biktima sa ospital ng kaniyang magulang ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Nabatid na nasugatan din ang ina ng biktima nang awatin nito ang manugang habang sinasaksak ang kaniyang anak.
Nabatid ng pulisya na ang suspek ay hinihinalang gumagamit ng ilegal na droga at palagi umanong nasasangkot sa mga kaguluhan sa kanilang lugar.
Inihahanda na ang mga kasong parricide at frustrated parricide laban sa suspek. (Dolly Cabreza)