Sinakyang trak nahulog sa bangin: 9 empleyado ng Agri todas

Binawian ng buhay ang siyam na empleyado ng City Agriculture Office-Engineering Division sa Bayawan City matapos bumagsak sa bangin ang mini dump truck na kanilang sinasakyan sa Sitio Urang, Barangay Kalamtukan, Negros Oriental kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Negros Oriental Provincial Director P/Col Timmar Alam, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga sa kahabaan ng Barangay Kalamtukan ng nasabing bayan.

Nabatid na pabalik na sa kanilang opisina ang mga biktima nang maaksidente at mahulog sa bangin na may lalim na 30 metro ang sasakyan.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Diomedes L. Canoy, Kervin Andog, Larry Llamos, Ronel Cabasag, Jonathan Hamor, Jovanie Babor, Jonaryl Caguisa, Warren Aseñas, at Egmedio Arnaiz, na siyang nagmamaneho ng truck kung saan isa sa biktima ay kinabibilangan ng isang on-the-job training (OJT) student mula sa College of Industrial Technology (CIT) ng Negros Oriental State University Bayawan-Sta. Catalina Campus (NORSU-BSC) na naka-assign sa City Agriculture Office-Engineering Division bilang bahagi ng kanyang OJT.

Walang nakaligtas sa sakay ng nasabing dump truck dahil sa lalim ng binagsakang bangin.

Human error o pagkakamali umano ng drayber ang isa sa ang tinitingnang dahilan ng aksidente. (Edwin Balasa/Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む