Nakabulagta at wala ng buhay nang abutan ng mga awtoridad ang 62-taong gulang na mister sa loob ng kanilang pamamahay, matapos umanong undayan ng saksak ng kanyang misis sa bayan ng M’lang, Cotabato, madaling araw nitong Martes, Pebrero 3.
Kinilala ang biktima na si “Samson”, residente ng Purok Masipag, Barangay Buayan, na nagtamo ng maraming sugat sa katawan sanhi ng agaran niyang pagkasawi.
Ayon sa mga awtoridad, mismong ang misis umano na siyang itinuturong suspek, ang nagtungo sa mga awtoridad para isumbong ang insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang nag-aaway ang mag-asawa kung saan ilang buwan din umanong nagkahiwalay ang mga ito.
Sa pahayag ng ginang, mayroon umano itong narinig na boses na nag-udyok sa kaniya para gawin sa asawa ang karumal-dumal na krimen.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang sangkot sa insidente.
Nasa kustodiya na ng M’lang PNP ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. (Jun Mendoza)