Himas-rehas ngayon ang isang 67-anyos na lolo matapos umano niyang paulit-ulit na pagsamantalahan ang sariling apo sa loob ng halos limang taon sa Allacapan, Cagayan.
Ayon sa ulat, umabot sa 105 beses ang ginawang panghahalay ng suspek sa kanyang babaeng apo. Dahil dito, inaresto ang matanda sa bisa ng mga warrant of arrest para sa 105 bilang ng rape, 105 bilang ng sexual assault, at tatlong bilang ng acts of lasciviousness.
Itinuturing ang suspek bilang No. 3 most wanted person sa Cagayan Valley region. Sinabi ng pulisya na ang biktima ay 12 taong gulang na nang isampa ang mga kaso laban sa lolo.
Sa imbestigasyon, nagsimula umano ang pang-aabuso noong 7 taong gulang pa lamang ang biktima noong 2020. Nakatira ang bata sa iisang bahay kasama ang suspek at ang kanyang lola, habang ang mga magulang nito ay nagtatrabaho at may sarili nang pamilya sa ibang lugar.
Dahil sa matinding takot, hindi agad nakapagsumbong ang biktima sa sinapit na pang-aabuso. Kalaunan, nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsabi sa kanyang ina sa pamamagitan ng chat, na naging daan upang agad na magsampa ng reklamo ang kanyang mga magulang.
Pinuri naman ng pulisya ang matagumpay na pagkakaaresto sa suspek. Ayon kay Police Regional Office 2 Director PBGen. Antonio P. Marallag Jr., patunay ito ng patuloy na pagsisikap ng kapulisan na papanagutin ang mga kriminal, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa panggagahasa, upang makamit ang hustisya para sa mga biktima at mapanatili ang kaayusan sa komunidad. (Dolly Cabreza)
