Isang motor banca na may 253 na pasahero ang nagkaaberya sa gitna ng karagatang sakop ng Lampinigan Island, Isabela City, Basilan nitong Biyernes, Pebrero 6.
Matagumpay namang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang nasabing bilang ng sakay.
Sa ulat ng PCG Southwestern Mindanao District, matapos umano nilang matanggap ang distress call mula sa MBCA Julifer ay kaagad silang nag-deploy ng search and rescue team sa lugar.
Batay sa imbestigasyon, galing ng Zamboanga City ang sasakyang-pandagat at patungo sana ng Siasi, Sulu nang makaranas ng engine failure sa gitna nang malalakas na hampas ng alon sa karagatan.
Maliban sa speedboat, idineploy din ng PCG ang kanilang BRP Tubattaha upang palakasin ang rescue operations.
Ayon sa PCG, nailigtas ang lahat ng pasahero at walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Muli ring nagpaalala ang tanggapan sa lahat ng mga sasakyang-pandagat na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga ito bago maglayag para makaiwas sa anumang sakuna lalo na kung may bagyo. (Jun Mendoza)
