Mag-ermat inararo ng patrol car

Patay ang 80-anyos na babae habang sugatan ang anak nito nang mabangga ng patrol car ng Jagna Municipal Police Station (MPS) ang sinaskyan nilang tricycle sa national highway ng Barangay Tangohay sa bayan ng Dimiao, Bohol nitong Linggo.

Ayon kay P/Staff Sergeant Kenneth Abangan, desk officer ng Dimiao MPS, patungo sa Valencia ang tricycle na minamaneho ni Maximino Quiboy Yecyec, 55, residente ng Barangay Taongon Cabatuan, nang bigla itong huminto sa gitna ng kalsada para isakay ang mga pasaherong sina Marcela Caingles Namuag, 80, at anak nitong si Mary Anne, 45.

Doon ay nakitang humaharurot ang patrol car na minamaneho ni Police Senior Master Sergeant Neil Bernil, 42, at bumangga sa tricycle, na ikinamatay ng matandang Namuag.

Isinugod sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Tagbilaran City ang tricycle driver at ang anak ni Namuag para magamot.

Nagtamo ng pinsala ang harapang bahagi ng patrol car habang nawasak naman ang likurang bahagi ng tricycle.

Nakapiit na si Bernil sa Dimiao MPS na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at property damage. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む