Sugatan ang isang vlogger matapos sapakin ng isang lalaking hinihinalang lasing sa isang concert sa plaza sa Barangay Iponan, Cagayan de Oro nitong Martes ng madaling-araw.
Sa ulat, inimbitahan si Jimbo Yurongo na kilala bilang “MarinongDj”, isang Cebuano vlogger ng Barangay Iponan bilang performer sa selebrasyon ng kanilang pista sa Cebu.
Nang matapos ang concert ay nagpakuha ng litrato ang mga fan sa vlogger sa entablado, dito ay umakyat din ang isang lalaking hinihinalang nakainom at sinapak ito sa leeg.
Dahil dito, agad tumakbo ang vlogger palayo sa entablado habang kinuyog naman ng mga tao ang suspek na nasa stage.
Sinabi ng mga barangay tanod, hindi nila namalayan ang kaguluhan dahil sa dami ng taong nasa entablado na abala sa picture-taking sa vlogger.
Dinala sa ospital ang suspek dahil sa mga tinamong sugat bago ito ikinulong sa Maharlika detention cell.
Isinugod din sa ospital ang vlogger matapos makaranas ng pagkahilo pero nasa maayos na umano itong kondisyon.
Hinihintay din nila kung magsasampa ng kaso ang vlogger laban sa suspek. (Dolly Cabreza)