Buong puwersa ng PCG Zamboanga delikado sa rido?

Nakatakda umanong palitan ang halos lahat ng kawani at opisyales ng Philippine Coast Guard (PCG) nakakatalaga sa Port of Zamboanga na pinagmulan ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping Lines habang naglalayag sa karagatan ng Basilan.

Sa eksklusibong impormasyon na nakuha ng Abante, ang pagpapalit ng mga opisyal at kawani ng PCG sa Port of Zamboanga ay upang maiiwas umano ang mga ito sa posibilidad na paghihiganti o rido ng mga kaanak ng mga namatay na pasaherong Muslim na sakay ng naturang barko patungo sana sa Jolo, Sulu.

Ang naturang barko ay sinasabing nasa unang biyahe pa lamang sa naturang ruta matapos na ilipat mula sa regular nitong biyahe.

Bagama’t hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ganap na tukoy kung ano ang dahilan ng aksidente, kabilang sa mga inisyal na anggulong tinitingnan sa imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Transportation (DOTr) ay ang overloading ng mga pasahero at mga sasakyan.

Ang MV Trisha Kerstin 3 ay isang ROPAX vessel na ang ibig sabihin ay pinapayagang magsakay ng mga pasahero at mga trucking o sasakyan base nq rin sa clearance na ibibigay ng PCG.

May mga impormasyon din na naglalabasan na kaya mayroong mga pasaherong wala sa manifesto o hindi nabilang ay dahil sa ilang iregularidad sa mga tungkulin ng mga tauhan ng PCG na siyang may kontrol sa pinapayagang dami ng pasahero at mga sasakyan na isasakay sa barko.

Bukod pa rito, nakatakda ring halungkatin ang insurance ng naturang barko upang makumpirmang lehitimo ang mga papel at dokumento nito para sa legal na paglalayag.

Posibleng ungkatin din ng DOTr kung paano nakakalusot sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagbiyahe ng mga dispalinghadong barko kagaya lamang ng mga naiiulat na kondisyon ng ilan pang barko ng nabanggit na shipping lines.


オリジナルサイトで読む