Binawian nang buhay ang isang limang taong gulang na kindergarten pupil matapos tamaan ng ligaw na bala habang nasa loob ng kanilang classroom sa Damabalas Elementary School sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Miyerkoles ng umaga, Pebrero 11.
Kinilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang biktima na si Farhadin Ludtia, 5-anyos, residente ng kalapit na bayan ng Datu Salibo.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-8:40 ng umaga habang nasa klase ang paslit.
Napansin ng kanyang class adviser na si Babylonia Biao na bigla na lamang bumagsak ang bata sa loob ng silid.
Nang lapitan at tingnan ang kalagayan ng kanyang estudyante ay doon na nadiskubre na tinamaan ito ng ligaw na bala.
Agad itong binawian nang buhay dahil sa tama ng bala dahilan upang mabigla at ma-trauma ang mga guro at kapwa estudyante.
Agad namang kinuha ng pamilya ang labi ng bata at inilibing ayon sa ritwal ng Islam.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung saan nagmula ang ligaw na bala at kung sino ang posibleng responsable sa insidente. (Issa Santiago)
