Isang motor tanker ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan sa Barangay San Antonio, Naujan, Oriental Mindoro nitong Lunes, ayon sa Philippine Coast Guard.
Ayon sa paunang ulat, galing ang barko sa Calaca, Batangas patungong Bais, Negros Oriental. Wala namang kargamento ang tanker na M/T Espada nang mangyari ang insidente.
Dahil umano sa masamang lagay ng panahon, napilitan ang barko na humanap nang masisilungan hanggang sa tuluyang sumadsad sa putik at buhanging seabed, humigit-kumulang 300 metro mula sa bunganga ng ilog.
Kinumpirma ng Coast Guard na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang lahat ng 18 crew, kabilang ang kapitan ng barko.
Wala ring naitalang fuel leak o pinsala sa kapaligiran at nanatiling buo at maayos ang kondisyon ng barko base sa beripikasyon ng PCG.
Bandang ala-1:36 ng hapon, sinimulan ang operasyon ng paghila sa M/T Espada upang mailipat ito sa mas malalim na bahagi ng dagat para sa karagdagang safety at damage assessment. (Ronilo Dagos)
