Wala nang buhay nang isugod sa ospital ang isang Passenger Assistant Officer (PAO) o dispatcher matapos saksakin ng isang jeepney driver sa Barangay Maite Pequeño, Lambunao.
Kinilala ang biktima na si alyas “Joebert”, 31-taong-gulang, residente ng Barangay Manaulan, habang ang suspek ay si alyas “Benjie”, 42-anyos, ng Maite Pequeño.
Ayon kay Police Lieutenant Gabriel Manguera, hepe ng Lambunao Municipal Police Station, lasing si alyas “Joebert” nang pasukin niya si alyas “Benjie” sa barracks kung saan ito natutulog.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil naistorbo ang tulog ni alyas “Benjie” hanggang sa sinaksak niya si alyas “Joebert” sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Nilinaw naman ni Manguera na hindi nakainom si alyas “Benjie” nang mangyari ang krimen.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na walang dating alitan ang dalawa, kaya hanggang ngayon ay hindi pa matukoy kung ano ang motibo ng biktima sa pagpasok sa barracks ng suspek.
Naaresto na si alyas “Benjie” at nahaharap sa kasong homicide habang narekober naman ang 6 na pulgadang kutsilyo na ginamit sa insidente. (Joven Escaniel)
