4 wanted sa CamSur nakorner

Apat na wanted persons ang nadakma sa magkakahiwalay na manhunt operations sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Camarines Sur.

Ayon sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office, unang inaresto sa bayan ng Tigaon sina alias “Erson,” dahil sa kasong Attempted Murder at may piyansang ₱120,000, at alias “Ben,”, dahil sa paglabag sa PD 705 na may piyansang ₱24,000.

Nadakip naman sa San Jose, Camarines Sur si alias “Cortz,” dahil sa paglabag sa RA 11199 na may piyansang ₱72,000. Samantala, sa bayan ng Libmanan, inaresto si alias “Balat,” dahil sa ilegal na pagmamay-ari ng baril sa ilalim ng RA 10591. Wala na siyang piyansa dahil siya ay nahatulan na.

Ayon kay Police Colonel Virgilio O. Olalia Jr., Provincial Director ng Camarines Sur Police Provincial Office, magpapatuloy ang kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Nasa kustodiya na ang mga nabanggit na indibidwal para sa iba pang paghahanda sa prosesong legal. (Jude Hicap)


オリジナルサイトで読む