Ermat kinatay 2 paslit na anak

Natagpuang patay ang magkapatid na paslit matapos umanong pagsasaksakin ng 28-anyos na ina sa loob ng kanilang tahanan sa Purok 5 Magsaysay, Nabunturan, Davao de Oro, nitong Martes ng umaga.

Sinabi ni Nabunturan Municipal Police Station Chief of Police P/Lt Col. Gomersendo L. Diwata II, isa sa tinitignan na angulo ng pulisya ay depresyon na pangunahing dahilan kung bakit pinaslang ng ina ang dalawang anak na 7-buwang gulang na sanggol na babae at 3-anyos na lalaki sa loob ng kanilang bahay, bandang alas-7:00 ng umaga.

Batay sa imbestigasyon, pinagsasaksak muna ng ina na si alyas “Len”, ang kaniyang mga anak bago nito nilaslas ang sariling leeg.

Nakita umano ng lolo ang dalawang apo na kapwa duguang nakahandusay, habang nasa tabi ang kanilang ina na naglaslas ng leeg kaya agad itong nagpasaklolo sa pulisya.

Nabatid na mabilis ding nakauwi ang mister ng suspek na isang mekaniko sa General Santos City matapos malaman ang sinapit ng kanyang mga anak.

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Davao de Oro Provincial Hospital-Montevista ang ina ng mga nasawing bata.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. (Edith Isidro)


オリジナルサイトで読む