Momshie tinodas kakamarites

Utas ang isang 43 taong gulang na ginang matapos siyang saksakin dahil sa umano’y tsismis sa Barangay Alfonso XIII, Quezon, Palawan kamakalawa ng hapon, Disyembre 4, 2025.

Kinilala ang biktima sa alias Jera, 43, habang arestado naman ang suspek na si alias Sam, 51 taong gulang, isang vendor at kapwa residente ng naturang barangay.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang krimen bandang alas-4:30 ng hapon, ngunit bago ang insidente ay inireklamo umano ng suspek na palagi siyang pinagtsitsismisan sa lugar, kabilang umano ang biktima. Dahil dito, hinarap niya ang biktima upang komprontahin tungkol sa umano’y mga tsismis.

Naging mainit ang pagtatalo ng dalawa at inamin ng suspek na hindi niya nakontrol ang kanyang galit dahilan para pagsasaksakin niya nang tatlong beses sa likod ang biktima.

Dahil naman sa tinamong malalalim na saksak ay agad na nasawi ang biktima kung saan nasaksihan pa ng kanyang anak ang pagpaslang sa ina.

Nasa kustodiya na ng Quezon Municipal Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon ng kaso. (Romeo Luzares Jr)


オリジナルサイトで読む