2 bakasyunista, nadisgrasya pagsundo sa airport

Sa ospital ang tuloy ng dalawang bakasyunista matapos masangkot sa disgrasya ang kanilang sasakyan sa bayan ng Makilala, lalawigan ng Cotabato nitong Huwebes, Disyembre 4.

Ayon sa pahayag ng mismong kaanak, bagong sundo umano sa airport ang mga biktima galing ng Maynila at pauwi na sana ng Kidapawan City nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang nakaparadang fish car sa bahagi ng Sitio Malaang, Barangay Poblacion.

Sa lakas ng pagkakasalpok, wasak ang harapang bahagi ng sasakyan ng mga biktima habang ang nasabing nabanggang sasakyan ay naitulak pa ng ilang metro hanggang sumalpok sa isang puno.

Masuwerte naman umanong gumana ang airbag ng sasakyan kung kaya’t hindi masyadong naging malala ang tinamong pinsala ng mga biktima.

Nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa insidente. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む