3 kumatay sa kolehiyala, nadakma

Nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang tatlong persons of interest na posibleng may kaugnayan umano sa karumal-dumal na pagpaslang sa isang graduating college student ng Mindanao State University sa General Santos City.

Sinabi ni General Santos City Police Office Director, P/Col. Nicomedes Olaivar Jr., kasalukuyang sumasailalim sa beripikasyon at mas malalim na imbestigasyon ang mga nabanggit na suspek.

Binanggit din ng opisyal na robbery o pagnanakaw ang pangunahing tinitingnang motibo matapos madiskubre na nawawala ang pera sa kwarto ng biktima.

Ang 21-anyos na biktimang si Miyuki Kim ay natagpuang patay at may 15 saksak sa katawan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Apopong, nitong Lunes, Disyembre 8.

Tinukoy rin ni Olaivar na walang palatandaan na ginalaw ang dalagita, bagama’t hinihintay pa aniya ang resulta ng autopsy. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む