Trak nahulog sa bangin, driver tigbak

Binawian ng buhay ang isang driver matapos mahulog sa bangin ang minamaneho nitong dump truck sa bayan ng Maasim, Sarangani.

Nangyari ang insidente noong Biyernes, at kinilala ng Maasim Municipal Police Station ang biktima na si Jeory Gilo, 45 taong gulang, at residente ng Koronadal City.

Batay sa imbestigasyon, habang binabaybay ng biktima ang kahabaan ng Paragliding Road ay bigla umano itong nawalan ng kontrol sa sasakyan hanggang sa magtuloy-tuloy sa malalim na bangin sa may Sitio Seguil, Barangay Tinoto.

Sa pahayag naman ng mismong bayaw ng biktima na kasama rin nito sa trabaho, aminado itong delikado sa malalaking sasakyan ang lugar dahil matarik ito at napapalibutan ng bangin.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Maasim Municipal Police Station sa insidente. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む