5 utas! Arrest warrant vs ex-MILF leader nauwi sa shootout

Lima ang kumpirmadong nasawi matapos makasagupa ng mga awtoridad ang ilang armadong grupo sa bahagi ng Lower Paatan, bayan ng Kabacan, Cotabato, umaga nitong Martes, Disyembre 16.

Ayon kay Kabacan Municipal Police Chief PLt. Colonel April Lou Palma, magpapatupad sana ng arrest at search warrant ang mga operatiba laban sa grupo ni Ibrahim Macalnas, alyas Kumander Bigkog, nang mangyari ang shootout.

Aniya, nahaharap sa kasong pagpaslang at may kaugnayan sa `bato’ si Macalinas na dating lider ng Moro Islamic Liberation Front.

Papasok pa lamang aniya ang mga operatiba sa lugar nang paputukan sila ng mga suspek.

Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na dalawa pang target ang naaresto sa kanilang lakad.

Sa ngayon, plano ng pulisya at militar ang paglalagay ng security outpost sa lugar para sa seguridad at kaligtasan ng mga residente. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む