Kuya sinabit sa pagnanakaw, utol pinakulong

Kusang isinuko ang kapatid sa PNP Roxas, Palawan ng kanyang kuya upang linisin ang kanyang pangalan matapos umanong gamitin ng kanyang nakababatang kapatid ang kanyang impormasyom nang mahuling nagnanakaw sa bayan ng Roxas at Puerto Princesa City.

Ayon kay alyas Albert, residente ng Puerto Princesa, ginamit ng kanyang utol na si alyas Arnel ang kanyang buong pangalan at personal na impormasyon, kabilang ang kanyang driver’s license, sa mga dokumentong hiningi ng pulisya.

Dahil dito, siya ang napagbintangan at inulan ng batikos sa social media kahit wala siyang kinalaman sa pagnanakaw, na nakaapekto umano sa kanyang pagkatao at trabaho.

Kinumpirma naman ng mga otoridad na nalaman ang tunay na pagkakakilanlan ng suspek matapos makausap ang pamilya nito.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang suspek sa kasong pagnanakaw, habang pinag-aaralan ng pulisya ang karagdagang kaso sa salarin kaugnay ng paggamit ng ibang pagkakakilanlan. (Romeo Luzares Jr)


オリジナルサイトで読む