Nailipat na sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang 300 persons deprived of liberty (PsDL) mula New Bilibid Prison (NBP) noong Disyembre 16, 2025.
Layunin ng operasyon na i-decongest ang bilangguan at masiguro ang maayos na pamamahala ng mga preso sa iba’t ibang correctional facilities sa bansa.
Ang grupo ay iniskortan ng Commissioned at Non-Commissioned Officers mula sa NBP, habang pinangasiwaan ang seguridad at maayos na transportasyon patungong IPPF.
Pinangunahan ni IPPF Superintendent C/Supt. Gary A. Garcia at Deputy Superintendent C/Sinsp. Renante Leoncio G. Anas ang buong operasyon, kabilang ang convoy assignment, ruta, at road security.
Tiniyak naman ni C/Insp. Luis J. Fernandez, ang overall in-charge ng operasyon, ang tamang koordinasyon at ligtas na paglilipat ng mga preso. Kasama rin sa operasyon ang Philippine Coast Guard, PNP SWAT, Puerto Princesa City Police, City Traffic Management Office, Anti-Crime Task Force, Highway Patrol Group, at Health Emergency Response Operations para sa dagdag na seguridad.
Ayon kay BuCor Director General Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr., patuloy ang kanilang pagsisikap para sa maayos, ligtas, at organisadong operasyon ng mga bilangguan sa bansa. (Prince Golez)
