Patay ang limang pasahero habang 22 naman ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang pampasaherong bus ng DLTB sa Del Gallego, Camarines Sur nitong Biyernes ng madaling-araw.
Ayon sa ulat kay P/Capt. Bernie Undecimo, Chief of Police ng Del Gallego Municipal Police Station (MPS), agad na isinagawa ang search, rescue, at first-aid operation upang mailigtas ang mga pasahero.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na huminto pa umano ang bus sa Tabogon, Daet bago ipagpatuloy ang biyahe, at pagdating sa bahagi ng Barangay Magais 1 ay biglang nagpa-gewang-gewang na ang sasakyan hanggang sa tuluyang mahulog sa bangin.
Posible umanong inaantok ang driver kaya’t nawalan ng kontrol sa bus, base sa salaysay ng mga pasahero.
Agad namang isinugod sa ospital ang mga sakay ng bus, kabilang na ang dalawang driver na nagtamo ng mga sugat.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi ng aksidente, habang pinaaalalahanan ang mga motorista at operator ng pampublikong sasakyan na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan at sapat ang pahinga ng mga drayber upang maiwasan ang ganitong pangyayari. (Jude Hicap)