Tobats, tsongke nasabat sa haybol ni titser

Nakatakas ang isa umanong guro nang salakayin ng mga operatiba ng Pilar Municipal Police Station (MPS) ang bahay nito sa lalawigan ng Capiz.

Armado ng search warrant ang tropa ni P/Major Rachel Garnica, nang pasukin alas-8:00 ng umaga ang tirahan ng suspek sa Barangay Casanayan, Pilar, Capiz, Disyembre 26, 2025.

Paglabag sa R.A 9165 ang iniutos ng korte para halughugin ang tirahan ng suspek na kinilala ng mga pulis sa alyas na Gercel.

Ang search warrant ay inilabas ni Judge Lorencito Diaz, Acting Executive Judge ng 6th Judicial Region, Branch 17, Roxas City, Capiz, na may petsang Disyembre 18, 2025.

Nakuha sa poder ng guro ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalagang P408,000.00 at dalawang (2) sachet ng pinaniniwalang marijuana na nasa sampung gramo ang bigat at may halagang P12,000.00.

Nai-turnover na sa PNP Crime Laboratory ang mga ebidensya para sa kaukulang pagsusuri habang patuloy na hinahanap ang suspek na nahaharap sa kasong ilegal na pag-iingat ng mga bawal na gamot na maaring ikatanggal ng lisensya nito sa pagtuturo. (Edwin Gadia)


オリジナルサイトで読む