Aksidente umanong nabaril ni Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan ang kanyang sarili kahapon, Disyembre 30.
Ayon sa Iloilo City Police Office (ICPO), si Lamasan ay nagtamo ng bala sa tiyan bandang alas-7:00 ng umaga matapos umano niyang aksidenteng mapindot ang gatilyo ng kanyang personal na baril habang nag-eempake ng mga gamit para bumiyahe pabalik ng Dueñas.
Dinala agad si Lamasan sa ospital kung saan sumailalim siya sa operasyon upang tanggalin ang bala sa kanang bahagi ng kanyang tiyan.
Ayon sa ulat, stable na ang kondisyon ng bise alkalde habang patuloy siyang ginagamot. Tinukoy din ng pulisya ang insidente na accidental firing.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang insidente habang pinaigting ang pagsusuri sa mga pangyayari sa loob ng bahay ni Lamasan.