Sugatan ang halos 22 miyembro ng pamilya, nang hagisan ng granada sa gitna ng kanilang media noche sa loob ng isang family compound sa Purok Ipil-Ipil, Barangay Dalapitan, bayan ng Matalam, nitong Miyerkoes ng hatinggabi.
Sa inisyal na imestigasyon ng Matalam Municipal Police Station (MPS), dahil oras na para sa media noche ay nagtipon-tipon na ang magpapamilya at nag-party sa nasabing compound nang biglang may sumabog na sinasabing mula sa isang granada.
Ayon sa pulisya, may mga nakasaksi na nagsasabing isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang dumaan sa compound, huminto sandali at nakitang may inihagis na pinaniniwalaang granada saka mabilis na tumakas.
Agad na isinugod sa iba’t ibang ospital sa mga bayan ng M’lang ang mga biktima na nagtamo ng mga shrapnels sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya at militar sa motibo ng insidente para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
Sa isang pahayag, kinondena ni Cotabato Governor Emmylou Mendoza ang pag-atake at sinabing walang puwang ang karahasan sa kanilang lalawigan. (Dolly Cabreza/Edwin Balasa)
