Nagtamo ng mga lapnos sa katawan ang tatlong menor de edad nang sumiklab ang sunog sa mga stall na nagbebenta ng paputok sa Bulanao Public Market, Tabuk City sa probinsya ng Kalinga nitong Miyerkoles ng gabi, bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay P/Capt Ruff Manganip, Kalinga police information officer, ang mga biktima ay nasa edad 5, 10, at 14 na mga lalaki na pawang mula sa Mindanao.
Batay sa imbestigasyon, isang ligaw na paputok ang tumama sa isang stall dahilan upang sunud-sunod na pumutok ang mga panindang firecrackers na sinundan ng pagliyab ng apoy at gumapang sa mga katabing stall.
Sinabi ni Manganip na pawang lisensiyado naman ang 20 stalls na natupok.
Nirespondehan ng mga pulis at Bureau of Fire Protection ang sunog at agad namang naapula ang apoy habang dinala sa ospital ang mga batang nalapnos para sa agarang lunas.
Itinuring naman ng mga arson investigator na aksidente ang nangyaring sunog. (Dolly Cabreza)
