Utas ang suspek na sinasabing responsable sa paghahagis ng granada sa bayan ng Matalam, Cotabato noong pagsalubong ng Bagong Taon matapos umano itong manlaban sa mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation.
Batay sa ulat ng Matalam Municipal Police Station, kinilala ang suspek sa alyas na “Can,” na nasawi sa engkuwentro sa Barangay Kilada, Matalam. Ayon sa pulisya, natunton ang kinaroroonan ng suspek ilang oras matapos ang insidente at plano sana itong arestuhin nang mapayapa.
Gayunman, nang lapitan umano ng mga awtoridad, bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok, dahilan upang gumanti ang mga pulis. Tinamaan ang suspek at isinugod pa sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa isinagawang search, na-recover mula sa suspek ang isang .45 caliber pistol na may magazine, gayundin ang isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu.
Matatandaang nitong Bagong Taon, isang granada ang sumabog sa Matalam na ikinasugat ng 22 magkakaanak sa gitna ng kanilang New Year’s party. Agad dinala sa ospital ang mga biktima at patuloy na ginagamot, ayon sa mga awtoridad.
Nabatid na may nakabinbing warrant of arrest ang suspek sa pagpatay sa kapitan ng Barangay Kilada noong Disyembre 1, 2025.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa likod ng insidente, gayundin kung may iba pang indibidwal na sangkot sa naturang pag-atake. (Cherk Balagtas/Dolly Cabreza)
