Bangkay ng bebot kinahon, pinalutang sa ilog

Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae na isinilid sa storage box ang natagpuang palutang-lutang sa ilalim ng tulay sa Barangay Pinagwarasan sa Basud, Camarines Norte nitong Biyernes ng madaling-araw.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Basud Municipal Police Station (MPS), bandang alas-4:30 ng madaling araw nang mamataan ng mga residente ang isang lumulutang na itim na storage box sa ilog sa ilalim ng Pinagwarasan Bridge sa Purok 1.

Agad namang rumesponde ang pulisya katuwang ang SOCO Team.

Tumambad ang bangkay ng biktima na nakasuot ng puting t-shirt at black leggings at nakabalot sa isang kulay brown na kumot.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima kaya puspusan ang pangangalap ng impormasyon ng Basud MPS.

Samantala, may nakita namang tattoo sa dibdib at balikat ng biktima na maaari umanong makatulong sa pagtukoy dito.

Sinusuyod na rin ang mga kalapit na lugar upang alamin kung may mga ulat ng nawawalang tao o kung may nakasaksi sa pagtatapon ng nasabing box sa ilog.

Nananawagan ang Basud MPS sa sinumang may impormasyon o nakapansin ng kahina-hinalang aktibidad sa paligid ng Pinagwarasan Bridge na makipag-ugnayan agad sa kanilang himpilan. (Dolly Cabreza/Jude Hicap)


オリジナルサイトで読む