Bago hinagis: Bangkay sa mega box sinakay muna ng bus

Ibiniyahe pa sa bus mula Laguna ang bangkay ng babae na isinilid sa storage box bago itinapon at pinalutang sa ilog sa Basud, Camarines Norte, ayon sa nakalap na report ng awtoridad.

Matatandaang namataan ang lumulutang na storage box sa ilalim ng Pinagwarasan Bridge sa Purok 1 bandang 4:30 ng madaling-araw noong Biyernes, Enero 2.

Tumambad sa loob nito ang isang babaeng wala nang buhay na nakasuot ng puting t-shirt at black leggings na nakabalot sa isang kulay brown na kumot.

Ayon sa Basud Municipal Station, isang tricycle driver ang lumapit matapos kumalat ang balita at sinabing inarkila siya ng suspek para dalhin ang kahon sa lugar kung saan ito itinapon.

Lumabas sa imbestigasyon na sumakay ang lalaking suspek sa isang pampasaherong bus papuntang Daet sa bahagi ng Turbina Terminal sa Calamba, Laguna.

Nagtanong pa ang suspek kung may bakante pa sa estribo para sa kanya umanong grocery items at babasaging mga gamit, na lingid sa kaalaman ng mga tauhan ay bangkay pala.

Pagdating ng Daet, sumakay ang suspek sa tricycle at dumiretso sa pinagtapunang lugar, at kaagad namang umalis ang driver pagkatapos gawin ang utos.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Basud MPS sa pulisya sa Calabarzon para sa mabilis na pagresolba ng kaso.

Nanawagan din ang pulisya sa sinumang saksi sa insidente o makakakilala sa biktima na may taas na tinatayang 5’3”, edad 35–40, at may tattoo sa kaliwang dibdib at kanang balikat, na makipag-ugnayan sa himpilan. (Angelica Malillin/Jude Hicap)


オリジナルサイトで読む