Ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility ay malabong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 na oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Lunes ng hapon.
Ayon sa Pagasa, sa ngayon, maaapektuhan ng ‘trough’ ng LPA ang lagay ng panahon sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-Tawi, at Palawan.
Samantala, mananatili naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat-pagkulog sa Rehiyon ng Bicol, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Northern Samar, Antique, Aklan, Capiz, at Iloilo dahil sa shear line.
Ang natitirang bahagi ng Visayas at Caraga ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies.
Nagbabala ang Pagasa na ang mga kondisyon ng panahon ay maaaring magdulot ng flash flood at landslides.
Samantala, maaapektuhan naman ng Northeast Monsoon o Amihan ang lagay ng panahon sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Metro Manila, at nalalabing bahagi ng Luzon. (Dolly Cabreza)