Isinapubliko na kahapon ang facial composite sketch ng suspek kaugnay sa babaeng natagpuang patay noong Enero 2, 2025 sa ilog ng Brgy. Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte, na nakalagay sa loob ng isang megabox.
Ayon sa Basud MPS, ang lalaking salarin ay ipinapalagay na nasa edad 30–40, may taas: 5’4” – 5’6” at may katamtamang pangangatawan o medium built.
Muling nanawagan ng tulong ang Basud Municipal Police Station sa publiko o kung sinumang may impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng suspek ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan at tinitiyak nilang confidential ang lahat ng impormasyong ibibigay ninuman.
Samantala, handa rin ang Laguna Police Provincial Office (LPPO) na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sakaling may matukoy na nawawalang tao sa kanilang area of responsibility (AOR) na posibleng maiugnay sa natagpuang bangkay na pinalutang sa nabanggit na ilog.
Ito ay kasunod ng impormasyong nagsasaad na ang lalaking suspek ay sumakay umano ng bus patungong Daet sa Turbina Terminal sa Calamba City, Laguna. (Jude Hicap/Ronilo Dagos)