Nalaglag ang ulo ng bagong silang at abandonadong sanggol matapos tangayin ng tuta sa Cebu, nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat kay P/ Lt. Col. Theresa Macatangay, hepe ng Minglanilla Police Station, inabandona ang sanggol ng hindi pa nakikilalang ina sa Purok 10, Lubas 1, Barangay Camp 7, Minglanilla.
Hindi rin umano alam ng mga awtoridad kung buhay pa o patay na nang iwanan ang baby sa lugar dahil binitbit ito ng aso at nahulog ang ulo.
Batay sa imbestigasyon, isang residente ang nakakita na tangay-tangay ng tuta ang sanggol subalit nang tangka umano niya itong lapitan ay biglang nalaglag ang ulo.
Hinahanap pa ng mga awtoridad ang katawan ng sanggol matapos kumaripas ng takbo ang tuta bitbit ang katawan nito.
Subalit sa paghahanap, nakita ang tuta na katabi ang isang aso na umano’y nanay nito na may dugo sa bibig.
Hinihinalang nilantakan umano ng tuta at nanay nito ang katawan ng sanggol.
Dinala naman sa bone chamber ng Minglanilla Public Cemetery ang ulo ng sanggol habang hinahanap pa ang walang pusong ina nito na nag-abandona sa kaniya. (Dolly Cabreza)