Natunton ng pulisya nitong Martes ng umaga ang isang bahay sa Barangay Sala, Cabuyao City, Laguna na pinaniniwalaang pinangyarihan ng pagpaslang sa babaeng isinilid sa isang megabox o plastic storage box at itinapon sa Camarines Norte.
Ang naturang lugar ay ang pinakadulong pinto sa ikalawang palapag ng isang apartment compound na kasalukuyan pang ina-assess ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, base sa inisyal na imbestigasyon, dalawa lamang ang nakatira sa nasabing bahay—ang hinihinalang suspek at ang biktima na umano’y magkarelasyon.
Hindi muna ipinakita sa media ang loob ng bahay dahil patuloy pa itong iniimbestigahan at sasailalim pa sa masusing proseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Sinabi rin ng mga pulis, batay sa inisyal na imbestigasyon sa mga kapitbahay na wala umanong narinig na kahina-hinalang pangyayari ang mga ito sa lugar sa mga panahong posibleng naganap ang krimen.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong motibo at detalye ng insidente.
Samantala, kinilala na ng Camarines Norte Police Provincial Office ang biktima na si Anelis Agocoy y Abamonga, 38 taong gulang, dalaga, at residente ng Barangay Bura, Catarman, Camiguin. (Ronilo Dagos/Jude Hicap)