Isang 16-anyos na binatilyo ang natagpuang patay sa loob ng kanilang tahanan, isang araw lamang matapos arestuhin sa kasong ‘rent-tangay’ sa Cagayan de Oro nitong Martes.
Sinabi ni P/ Captain Emilita Simon, spokesperson ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), gumamit umano ang binatilyo ng mga pekeng ID para magrenta ng sasakyan noong Disyembre 28, 2025 para sa dalawang araw na biyahe subalit hindi na ito bumalik pa.
Nitong Enero 5, natunton ni alias Reyes, may-ari ng car rental, ang binatilyo sa Osmeña St., sa pamamagitan ng global positioning system o GPS habang sinusubukang lansagin ang tracking system ng sasakyan.
Naaresto ang binatilyo pero pinalaya din ito noong Lunes matapos makipag-ayos at mangako ang kanyang mga magulang sa may-ari ng car rental na babayaran ang mga danyos ng anak.
Subalit nitong Martes, ini-report ng pamilya sa mga awtoridad na natagpuan na lamang ang binatilyo na wala ng buhay sa loob ng kanilang bahay,
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng binatilyo sa mismong tahanan nito at kung may kinalaman ito sa rent-a-car. (Dolly Cabreza)