Sumuko sa mga awtoridad ang isang security guard na suspek sa dalagang natagpuang patay sa loob ng storage box sa ilalim ng isang tulay sa Basud, Camarines Norte, noong Biyernes.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Basud Police chief P/Capt. Mark Armea, isinuko ng kaniyang pamilya ang sikyo na umano’y kinakasama ng babaeng nakita sa megabox.
Ayon sa pamilya ng sikyo, nagkaroon umano ng alitan ang kanilang anak at ang biktima subalit hindi nila alam na gagawa ng kahindik-hindik na krimen ang suspek.
Nitong Martes, kinilala ng Camarines Norte Police Provincial Office ang babaeng natagpuang patay sa box na si Anelis Agocoy, 38, residente ng Barangay Bura, Catarman, Camiguin.
Nakilala siya ng isang kaibigan matapos makita ang mga detalye ng biktima sa social media kaya agad itong nagtungo sa Basud Police Station.
Ang paglutang ng kaibigan ng biktima, ang dahilan kung bakit sumuko ang sikyo.
Nabatid sa pulisya na nakatulong din sa imbestigasyon ang barcode ng tape na ginamit sa pagsara ng storage box nang isakay ito sa bus mula sa Laguna. (Dolly Cabreza/Ronilo Dagos)