Sinabi ng Phivolcs na nagsimula ang ash emission dakong alas-2:58 ng hapon at nagpapatuloy pa hanggang sa oras ng pag-uulat. Umabot sa humigit-kumulang 900 metro ang taas ng kulay-abong usok mula sa bunganga ng bulkan at tinangay patungong hilagang-kanluran.
Noong Martes, naitala rin ang ash emission ng Kanlaon na nagbunga ng kulay-abong usok na umabot sa 350 metro ang taas mula sa crater.
Nanatili sa Alert Level 2 ang nasabing bulkan na nagpapahiwatig ng katamtamang antas ng pag-aalboroto.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, normal at inaasahan ang ash emission sa ilalim ng Alert Level 2 dahil sa patuloy na paglabas ng volcanic gas at pressure na nagdadala ng pinong abo palabas ng bunganga ng bulkan. (PNA)