Lupa lumambot sa buhos ng ulan: Cebu landfill gumuho, 20 natabunan

Nalibing nang buhay ang tinatayang 20 katao matapos gumuho ang isang dumpsite sa mga kabahayan sa Cebu City nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa ulat, ang patuloy na pag-ulan sa nakalipas na ilang araw ang dahilan upang lumambot ang lupa sa Binaliw dumpsite, na nagdulot ng pagguho ng landfill na nakaapekto sa ilang kalapit na bahay alas-5:00 ng hapon.

Sinabi ni Cebu City Councilor Joel Garganera, chairperson ng committee on environment na agad nang ipinadala ang mga emergency responders, kasama ang limang ambulansya sa lugar.

Sa inisyal na ulat ay maraming mga bahay ang nasapol ng gumuhong basura.

Ayon kay Garganera, ang Binaliw ay naging open dumpsite sa halip na isang sanitary landfill.

Kinumpirma rin ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang pagguho at agad nang nag-deploy ng mga disaster response team para sa agarang rescue operations at pagsasagawa ng paunang assessment.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Mayor Archival, batay na rin sa mga unang ulat, may mga indibidwal na naipit sa ilalim ng gumuhong lupa at debris.

Ayon pa sa alkalde, personal niyang binabantayan ang sitwasyon at patuloy na nakikipagkoordinasyon para sa kaukulang mga hakbang.

Mahigpit ding pinayuhan ang publiko na iwasan muna ang lugar upang hindi maabala ang operasyon ng mga emergency responder. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む